Sa tulong ng lokal na pamahalaan ng Malaybalay at mga eksperto sa kalusugan, nagsimula ang isang mahalagang hakbang sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan na kamakailan lamang ay isinunod ng buong Pamahalaang Panlalawigan ng Bukidnon.
Inisyatiba ng Lokal na Pamahalaan ng Malaybalay
Isang mahalagang inisyatibo ang inilunsad kamakailan sa Lungsod ng Malaybalay, Bukidnon, upang tugunan ang matagal nang suliranin kaugnay ng mga kaso ng kagat ng cobra. Ang Purified Cobra Antivenom, isang gamot na may equine origin, ay dumating sa lokalidad sa pamamagitan ng pagtutulungan nina Konsehal Jason Chad Ayala, Dr. Ron Jerril Amba, at Mayor Jay Warren Pabillaran.
Ayon kay Konsehal Ayala, “Sa mga nagdaang taon, marami sa ating mga pasyente ang kailangang maglakbay pa ng malayo patungong Cagayan de Oro City (CDO) upang makuha ang Cobra Venom Vaccine para lang maligtas ang kanilang buhay mula sa kagat ng cobra.”
Bago dumating ang anti-venom, matinding pagsubok ang kinakaharap ng mga biktima dahil sa kakulangan ng lunas sa mga lokal na ospital. Matagal na itong problema sa lugar, lalo naโt maraming bahagi ng lungsod ay natural na tirahan ng mga ahas, dahilan kung bakit mataas ang insidente ng kagat ng cobra. Ngunit dahil sa inisyatibong ito, mas mabilis nang maibibigay ang kinakailangang lunas sa mismong komunidad.
Ang bawat dosis ng anti-venom ay may 800 M.U., sapat upang gamutin ang kagat ng cobra na maaaring magdulot ng malubhang komplikasyon sa katawan. May taglay rin itong preservative na phenol upang matiyak ang kaligtasan at bisa ng gamot. Bukod pa rito, ito ay ipinagkaloob nang libre at maaaring makuha sa Malaybalay City Health Office na matatagpuan sa Abuejela Street, Malaybalay City.
Pagpapalawak ng Anti-Venom sa Buong Bukidnon
Samantala, sumunod naman ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bukidnon sa aktibong pakikilahok sa inisyatibong ito. Pinatibay ng lokal na pamahalaan ang kanilang pangako sa kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan ng Bukidnon, tinitiyak na ang Cobra Purified Antivenom ay magagamit sa mga pangunahing sentro ng kalusugan tulad ng Bukidnon Provincial Medical Center (BPH) sa Sayre Highway, Casisang, Malaybalay at BPH-Maramag sa Purok 2, Maramag, Bukidnon.
Mahalaga, at higit sa lahat, ipinagkakaloob ang anti-venom nang libre, kaya’t hindi na kailangang mag-alala ang mga biktima ng kagat ng cobra tungkol sa gastusin.
Nagtagumpay ang pagpapatupad nito dahil sa pagtutulungan ng mga eksperto at ng lokal na pamahalaan. Dagdag pa ni Konsehal Ayala, “Sa pamamagitan ng pagkakaisa at malasakit, hindi na kailangang maglakbay pa ng malayo, dahil narito na ito sa ating lungsod.” Ipinakita ng hakbang na ito ang pagkakaisa at pagkalinga ng bawat isa tungo sa pagpapabuti ng kalusugan at kaligtasan ng mga mamamayan. Sa pamamagitan nito, mas maraming buhay ang maaaring mailigtas at mas mapapabilis ang pagbibigay-lunas sa mga biktima.ย ย
#TheCentralPost
Isinulat ni: Cats Miks
Iniwasto nina: Elioverse at Eleven


