Yumanig ang malaking bahagi ng Mindanao noong Oktubre 10, 2025, alas-9:43 ng umaga, dulot ng magnitude 7.6 na lindol sa karagatan ng Manay, Davao Oriental, na iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) pagkatapos ng pangyayari.
Makalipas lamang ang ilang oras, alas-7:12 ng gabi, muling gumalaw ang lupa. Isang magnitude 6.9 ang tumama sa parehong bayan ng Manay, halos kaparehong lokasyon ng unang lindol.
Ramdam ang malakas na paggalaw ng lupa mula Davao hanggang sa mga karatig na probinsiya tulad ng Bukidnon, na nagdulot ng pangamba sa mga residente at estudyante sa Musuan, Maramag.
Umabot sa Intensity III ang lakas ng pagyanig sa nasabing bayan. Katamtaman ang lakas, ngunit sapat upang magdulot ng takot at pagkabahala sa maraming tao.
Ang bayan ay malapit sa Mt. Calayo, o mas kilala bilang Musuan Peak, isang dormant ngunit potensyal na aktibong bulkan na matatagpuan sa rehiyong may kalapit na fault systems, na patuloy na binabantayan ng mga eksperto.
Ipinapakita ng mga paggalaw sa ilalim ng lupa ang patuloy na seismic activity, kaya’t hindi nakapagtataka na ang mga lindol ay bunsod ng mas malawak na penomenon sa geolohiya.
Ang Agham sa Likod ng Lindol
Bagaman parehong nasa bayan ng Manay, may ilang mahahalagang kaibahan ang dalawang lindol: ang mga epicenter ay magkahiwalay ng humigit-kumulang 10–20 kilometro, may halos sampung oras na pagitan, at magkaiba rin ang kanilang focal depth at rupture area ng bawat lindol. Masyadong mahaba ito para maituring na “mainshock + agarang aftershock,” ngunit sapat na malapit upang ma-trigger ang pangalawa dahil sa stress transfer mula sa una. Dahil dito, itinuring ng PHIVOLCS at ng mga internasyonal na seismologist ang pangyayari bilang isang doublet earthquake, dalawang malalakas na lindol na halos magkapareho ang magnitude, malapit sa isa’t isa sa oras at lokasyon, ngunit bunga ng hiwalay na fault ruptures.
Ang naturang pangyayari ay nagpapatunay ng patuloy na paggalaw ng mga tectonic plates sa ilalim ng Philippine Trench, isang subduction zone kung saan sumisiksik ang Philippine Sea Plate sa ilalim ng Philippine Archipelago, at dahil dito, hindi agad natatapos ang mga kasunod na pagyanig.
Dulot ng Aftershocks
Ayon sa PHIVOLCS, ang mga aftershocks ay kadalasang mas mahina kaysa sa pangunahing lindol (mainshock), ngunit maaari pa ring maramdaman sa mga susunod na oras, araw, o kahit linggo matapos ang unang pagyanig.
Ayon sa pinakahuling ulat ng PHIVOLCS ngayong Sabado bandang alas-11:00 ng umaga, naitala na ang 831 aftershocks bunsod ng doublet earthquake.
Kung mas malakas ang mainshock, mas marami at mas matagal ang aftershocks. Dahil dito, muling binigyang-diin ng mga eksperto na maaaring tumagal pa ang mga paggalaw ng lupa sa mga darating na araw.
Mga Paalala sa Publiko
Sa ganitong sitwasyon, hindi sapat ang lakas ng loob; kailangan ng kaalaman at kahandaan.
Mula sa mga paalala ng PHIVOLCS at GMA Integrated News, narito ang mga dapat tandaan:
Bago ang Lindol
✅ Tukuyin ang exit routes, evacuation plan, at lokasyon ng fire extinguishers at medical kit.
✅ Siguraduhing matibay ang bahay at ipagawa agad ang mga sirang bahagi.
✅ Itabi nang maayos ang mga kemikal o bagay na maaaring pagmulan ng sunog.
✅ Ilagay sa mababang bahagi ang mga mabibigat na gamit.
✅ Maghanda ng Go Bag na may tubig, pagkain, flashlight, baterya, at first aid kit.
✅ Makilahok sa mga earthquake drill.
Habang May Lindol
✅ Kung nasa loob, manatiling kalmado at gawin ang “Duck, Cover, and Hold.”
✅ Lumayo sa mga bintana, kabinet, o anumang mabigat na maaaring mahulog.
✅ Kung nasa labas, pumunta sa open area at iwasan ang mga lugar na may panganib ng pagguho.
✅ Kapag nagmamaneho, itabi at ihinto ang sasakyan, saka ligtas na lumabas.
Pagkatapos ng Lindol
✅ Suriin ang sarili at ang mga kasama kung may pinsala. Magbigay ng paunang lunas kung kinakailangan.
✅ Unahin ang mga matatanda, buntis, bata, at may kapansanan.
✅ Kung may banta ng tsunami, agad na pumunta sa mataas na lugar.
✅ Iwasang bumalik sa gusali hangga’t walang abiso na ligtas.
✅ Tiyakin na walang tagas sa linya ng tubig, gas, o LPG.
Isinulat ni: Cats Miks
Iniwasto ni: Tiffany Cainglet at Camilee


